Sabi ni Inay mahilig raw akong magbasa at magsulat noong bata pa ako. Natatandaan pa nga niya na magdadalawa at kalahating taon daw ako noon nang agawin ko ang lapis ng aking nakatatandang kapatid at nagsulat-sulat raw ako ng mga linya sa aming sementadong papag. Mag-aapat na taon naman daw ako noong sinimulan kong magbutingting ng mga gamit na noon ay inakala kong laruan ay iyon pala mga libro.
Ako ay napapangiti na lamang sa tuwing ikinukwento ng aking mga magulang ang mga alaalang sa pagkabata ko nabuo. Ngayon lang pumapasok sa akin na ang pagbasa ng mga librong may makukulay na imahe, at lalo na ang pagsusulat ng mga bagay-bagay na nasa isipan ko, ay likas na sa akin.
Lumipas ang panahon at ang batang noon ay nahilig makialam ng mga gamit panulat at pagbasa ay lumaki na at nahilig naman sa mga babasahing nauukol sa mga kabataang mambabasa. Nakilala at nahikayat ako sa mga manunulat na sina Bob Ong, Ricky Lee at si Liwayway Arceo. Sa mga libro ni Bob Ong ko nakikita ang aking sarili na kengkoy at palatawa ngunit kapag seryosohan na ang usapan ay nagiging malalim na rin. Sa mga libro ni Ricky Lee at ni Liwayway Arceo ko naramdaman ang drama at tindi ng damdamin, na kagaya kong nagiging madrama rin sa iba’t ibang sitwasyon sa aking buhay.
Ang mga librong binabasa nga ay talagang repliksyon ng mambabasa. Kagaya ko. Kagaya ng mga librong binabasa ko. Kasing kulit ako ng mga imahinasyon ni Bob Ong, kasing drama ako paminsan-minsan ng mga nobela ni Arceo at kasing lawig ng mga isyung panlipunan ang napapansin ko kagaya ni Ricky Lee.
Siguro, isa sa mga dahilan kung bakit ko rin nagustuhan ang kanilang mga libro ay dahil sa kanilang kakaibang ideya at istilo ng panunulat. Ako ay nahihikayat na sumubok din ng kakaibang pamamaraan ng pagsusulat dahil sa mga ito. Mabuti na lamang at nakapasok ako sa klaseng Malikhaing Pagsulat 10 at ngayon ay alam kong mas matututo ako sa iba’t ibang pamamaraan ng pagsulat ng tula at pati na maikling kwento. Mas malilinang ko pa ang ibang dimension ng aking kakayahan sa pagsusulat at mas mapapayaman pa ang mga natutunan mula karanasan sa dyaryo noong elementarya hanggang high school.
Para sa akin, ang pagsusulat ay paraan ng pagpapalaya ng mga ideya na nasa iyong isipan at mga damdaming iyong nararamdaman. Dahil isa ito sa mga napakasayang gawin lalo na kung ikaw ay walang magawa at nayayamot, kagaya na lang din ng pagbabasa na magandang pamatay ng oras. Kaya sa tuwing ako ay walang magawa at hindi pa naman inaantok, ang pagbabasa o hindi kaya ang pagsusulat ng mga kung anu-ano ay ang ilan sa mga gawaing aking pinagkakaabalahan. Mainam na rin ito kaysa sa paggawa at pag-isip ng mga bagay-bagay na makakawasak sa iyong moralidad. Ang aking kakayahan sa pagsulat ay hilaw pa, ngunit alam kong sa pamamagitan ng klase na ito, ay hihinog din ang aking kakayahan sa larangang ito. Sa dahilang gusto ko ring maging tagapagmulat sa mga isipan ng mga mambabasa, kagaya ng aking naranasan at nakamulatan noong ako ay bata pa. Gusto kong maging instrumento para sa pagmulat ng mga kaalaman ng nakararami. #
First published as a requirement in Malikhaing Pagsulat 10, 2nd Semester, 2009-2010.
No comments:
Post a Comment