Maglilimang taon siguro ako noon nang una kong mapuntahan ang lugar na iyon. Medyo malubak-lubak ang daan na aming dinaanan upang matungo ang lugar. Maraming puno dito at iba-iba pa ang uri, may mangga, niyog, at pati na rin ang Narra. Sabi ng aking ina magtabi-tabi raw ako at baka ako ay ma-engkanto sa kadahilanang bago pa raw ako doon. Sinunuod ko naman ang aking ina sa kanyang mga payo at utos. Muli kaming naglakad upang mapuntahan pa ang itaas na parte ng bundok na sinasabi nilang banal.
Dala ng aking murang isipan, ang inakala ko na doon ay isang lugar na puno na mahika, ngunit mali pala ako. Dahil inabot na kami ng dapithapon kaya sabi ko mawawalan na ng bisa ang anumang kapangyarihan ng mga mahikero nang mga panahong iyon.
Nagpaalam ako saglit sa aking mga magulang upang maghanap ng mga kalaro sa bagong lugar na aking napuntahan. Ako lamang ang bata sa grupo naming nag-hiking doon sa lugar kaya siguro naintindihan na ako ng aking mga magulang na ako ay maglaro sa buhanginan sa ilalim ng punong Narra na tabi ng talon.
Habang ako ay nagsasaya sa kakalaro, may isang bata akong nakita sa likod ng puno at tinatawag niya ang aking pangalan. Para kaming naglalaro ng taguan dahil nang puntahan ko siya sa likod ng Narra, wala na siya doon at nang lumingon ako sa aking pinanggalingan, naroon na siya agad. Ako ay namangha sa bilis niyang tumakbo. Nagpakilala siya ng akin siyang lapitan. Ang pangalan niya ay Carol at siya ay limang taong gulang din. Mas matangkad ako sa kanya ng ilang pulgada pero mas maputi siya kaysa sa akin. Naghabulan kami ng naghabulan hanggang sa napansin kong tila nag-iba na ang aming lugar at malayo na kami sa taon, at ang puno ng Narra ay hindi ko na masilayan pa.
Kinabahan ako pero pinawi ni Carol ang aking nararamdaman sa pamamagitan ng pagpapakita ng ilang mahika, mga ‘magic’ trick. Natuwa ako sa mga ipinakita niya, tulad ng pagbulaklak ng isang halaman kahit na hawak-hawak lamang niya ito, ang paglakad niya sa ibabaw ng isang batis nang hindi nahuhulog sa tubig; at ang pinakahinangaan ko ay ang kanyang pagpapalit anyo mula sa anyo ng isang bata sa isang matangkad at napakagandang dalaga. Wala akong magawa kung hindi mabighani sa mga ginawa ni Carol. Unti-unti siyang lumapit sa akin at tinanong ako kung gusto ko pa raw makakita ng marami pang mahika ngunit hindi ako agad nakasagot.
Gusto pang makakita ng mga mahika ng aking mga mata ngunit nagugutom na ang aking sikmura. Sinabi ko kay Carol na bumalik na kami sa puno ng Narra kung saan malapit ang grupo ng aking mga magulang. Agad nag-iba ang mukha ni Carol at parang nagagalit na siya sa akin. Hindi ko raw siya maiiwan ng basta-basta. Hindi ko alam ang aking gagawin baka gamitan niya ako ng kanyang magic at gawin niya akong palaka, kaya tumakbo ako papalayo sa kanya. Sumigaw ako upang marinig ng aking mga magulang at kanilang mga kasamahan ngunit wala pa rin akong naririnig na boses nila, tanging tawa lamang ni Carol ang naglalaro sa aking tenga. Nang silipin ko si Carol ay hitsurang matanda na siya na may kulay puting mga buhok. Takot na takot akong humarurot sa kakatakbo, hayan na si Carol! Hindi ko na alam ang aking gagawin. Gusto niya akong kainin.
Agad akong nasiyahan ng unti-unti kong narinig ang boses ng aking mga magulang. Makakatakas na ako mula sa panghahabol ni Carol at ang kanyang nakakatakot na tawa. Makakaligtas na nga ba ako?
May tumapik sa aking likuran, akala ko ay si Carol na kaya ako ay napasigaw. Iyon pala ay ang aking ama na ginigising ako. Sabi niya kanina pa raw ako sigaw ng sigaw ng abutan niya akong natutulog sa ilalim ng puno ng Narra. Hinggal nna hinggal ako at mahigpit ang aking pagkakayakap sa aking ama. Naku, akala ko ay tuluyan na akong makakain ng isang nag-hawig bata na si Carol. Akala ko totoo lahat ng aking mga nakitang mahika, hindi pala.
Malaki na rin ang aking pagpapasalamat sa Diyos at iyon ay bangungot lamang at hindi totoo. Hindi pa rin ako mapalagay sa aking masamang panaginip na mistulang totoong-totoo. Nang aking silipin ang likod ng aming sasakyang umaandar upang magpaalam sa lugar, ako ay nabigla nang aking makita ang isang batang babae na maputi at kasingtangkad ko na nakangiti sa akin.
Mas gumulo ang aking isipan. Si Carol nga ba iyon? Bangunot nga lang ba ang aking naranasan kanina? Totoo ba si Carol? Marami pa ring mga katanungan ang gumulo sa aking isipan. At akin na lamang hiniling na hindi na ako muling makadalaw sa lugar na iyon. #
First published as a class requirement in Malikhaing Pagsulat 10 class.
Second semester, 2009-2010.
UP Diliman
No comments:
Post a Comment