Wednesday, August 11, 2010

[Fiction] Pag-iibigang 'Sinlalim ng Dagat

Isang estudyante sa ekslusibong kolehiyo si Dino Guevarra at nasa ika-apat na taon na ito sa kanyang kursong Business Management. Sa kanyang tangkad na 6’2 ay hindi mo aakalaing siya ay 21 taong gulang na. ‘Tall, dark and handsome,’ ika nga at hindi maikakailang habulin siya ng mga babae. Ang kanyang girlfriend na si Leila Araneta ay modelo ng isang kilalang clothing line sa bansa at kamag-aral ni Dino. Siya ang kasalukuyang Miss University ng kanilang pamantasan. Mag-dadalawang taon na ring nag-iibigan ang magkapareha. Pag-iibigang nabuo sa isang field trip sa kanilang klase.
                Isang lingo bago ang kanilang ikalawang anibersaryo ay nagpaalam si Dino kay Leila na pinapapunta siya ng kanyang ama sa isla upang mag-manage muna nito. Noong una ay hindi pumayag si Leila ngunit sino nga ba naman daw siya upang kontrahin ang utos ng ama ni Dino. “Since ako naman daw ang magmamana ng isla, mabuting ako na lang raw muna ang mag-manage noon. Lei, I can’t go against my father’s will, you know his condition.” Mangiyak-ngiyak si Leila habang sinasabi ang, “I know babe, but how can we celebrate our 2nd anniversary if you’re not here? Hahayaan mo na lamang ba akong mag-isa dito?” Winakasan na lamang ng dalawa ang usapan sa condo unit ni Leila.
                Huli na sa kanyang flight si Dino dala ng traffic sa labasan ng condo ni Leila kung saan umaga pa lamang ay siksikan na ang mga kotseng nagsisilabasan mula sa establishimento. Sinamantala nitong umalis nang tulog pa si Leila baka ipilit nitong sumama o kaya ay pilitin na lamang na huwag lumiban si Dino papuntang Palawan.
Noong una ay nagugulumihanan si Dino kung kanya nga bang iiwan si Leila lalo na sa kanilang ikalawang taong anibersaryo. Para sa dalawang nag-iibigan, ang kanilang ikalawang anibersaryo ay mistulang hudyat ng kanilang planong pagpapakasal kaya naman gustong-gusto ni Leila na hingiin na ni Dino ang kanyang kamay upang mapamana na rin sa kaniya ang engagement ring na mula pa lola sa tuhod nito. Ginawa rin naman lahat ni Leila ang lahat para mapilit si Dino upang huwag umalis, ngunit sa huli ay mas pinili ni Dino ang bilin ng kanyang ama.
‘Pag dating ni Dino sa isla ay laking mangha nito dahil sa laki ng pinagbago matapos ang ilang taong hindi pagpasyal sa lugar. Ipinatawag niya agad ang mga empleyado at kanila itong pinagalitan at sinabing pinabayaan nila ang isla ng kanyang ama.
Pinili na lamang ni Dino iwanan ang mga tauhan at baka mas mandilim ang paningin nito sa kanila. Naglakad-lakad na muna siya sa tabing-dagat at lumanghap ng sariwang hangin habang inaalala si Leila at ang kanilang mga masasayang alaala. Nang may nakita itong isang bangka ay agad niya itong ginamit upang makapunta sa kabilang isla.
Mag-aalas dose na iyon at hindi alam ni Dino na tuwing alas-dose ay may mga lamang-dagat na pumupunta sa ibabaw ng dagat at ito ay ang mga Armoles, isang uri ng posit-tao na sumisira sa mga coral reefs na tahanan naman ng mga isda. Sila rin ay isa sa mga dahilan kung bakit unti-unting nasisisra ang ganda ng isla nila Dino. Natakot si Dino ng may bola siyang nakita sa harapan ng kanyang bangka at unti-unti siyang umaangat mula sa dagat, hindi niya alam na siya ay inaatake na ng isang Armoles. Hindi kinaya ng bangka ang bagsik ng Armoles kaya tumilapon si Dino ng ilang metro mula sa Armoles at nakita ito ni Shina, isang serena sa lahi ni Amangpaparu ang mga tagapag-ligtas ng karagatan.
Nagising na lamang si Dino na walang naalala sa nangyari sa kanya nang atakihin ito ng isang Armoles. Una niyang nakita ang mga mapula-pulang buntot ni Shina na isang prinsesa sa kaharian ng mg Amangpaparu. Hindi mawari ni Dino kung ano ang kanyang nararamdaman, takot o pag-hanga kasabay ng mga tanong gumugulo sa kanyang isipan habang pinagmamasdan si Shina mula ulo hanggang buntot.  “Huwag kang matakot, iniligtas kita kagabi sa mga Armoles na balak kang tugisin,” sabi ni Shina sa boses na mala-anghel.
Matapos ang halos isang linggong pamamalagi ni Dino sa kaharian ng mga serenang Amangpaparu, tila hindi na niya maiwan si Shina na nakilala niyang mabuti at makapalagayan na rin ng loob. Ngunit inutusan si Shina nang kanyang amang si Haring Keron uapang ihatid na sa lupa si Dino dahil baka hinahanap na siya sa kanilang isla.
Bago tuluyang bumalik sa isla si Dino ay kanyang ipinagtapat kay Shina ang tunay na nararamdaman nito para sa serena. “Hindi ako ganito noon Shina, ibang-iba ang nararamdaman kong pag-ibig para sa’yo. Mahal na kita,” ang pagatatapat ni Dino. Ipinagtapat din ni Shina na noong una pa almang niya itong nakita noong bata pa si Dino ay inibig na niya ito at palaging inaabangan ang kanyang pagbabalik. Sinabi rin nito na kaya siya nailigtas mula sa mga Armoles ay dahil sa kanya itong binabantayan mula palang noong pagdating nitong muli sa isla. Nagpasalamat si Dino kay Shina at sinabing walang makakapaghadlang sa kanilang pag-iibigan at tatanggapin na lamang nila ang mga sasabihin ng ibang makakaalam ng kanilang ‘lihim’ na relasyon.
Agad sumugod sa isla si Leila nang may nakapagsabi dito na may iba nang iniibig si Dino. Tila nakisabak sa isang kompetisyon si Leila at muli niyang inaakit ang puso ni Dino ngunit humingi na lamang ng tawad si Dino dahil iba na nga talaga ang laman ng kanyang puso at ‘yon ay si Shina. Nagtanong-tanong si Leila sa mga empleyado ng isla kung sino nga ba si Shina at sinabi naman ng mga empleyado na isa itong serena. Sinabi rin ni Dino kay Leila na palayain na niya ito. Idinagdag din ni Dino na pupwede naman silang maging magkaibigan na lamang. “Dino, alam mong hindi agad-agarang mawawala ang nararamdamn ko para sa’yo. Paano ako makakapag-move on sa ginawa mo? Mahal na mahal kita Dino.”  Agad naman itong sinagot ni Dino, “Leila, alam kong masakit ang nararamdaman mo and I am so sorry. Huwag kang mag-alala, magkaibigan pa rin naman tayo. ‘Ang paglayo ay hindi nangangahulugan ng pagtalikod’ at andito lamang ako para sa iyo Leila, as a friend. Mahal ko si Shina, iba ang pagmamahal na nararamdaman ko para sa kanya.”
Mabigat sa loob na nilisan ni Leila ang isla, sa mismong araw ng sana ay kanilang ikalawang taong anibersaryo bilang magkasintahan. Ang araw na iyon din ay ang araw ng pagsasama ng tuluyan nila Dino at Shina sa pamamagitan ng isang seremonyang magpapalit sa katauhan ni Dino mula sa pagiging tao para sa pagiging isang ganap na taong dagat, isang tsokoy. Lahat ng kanyang ala-ala nang kanyang buhay-tao ay nabura at tanging ang buhay ng pagiging tsokoy at ang kanyang pakikipaglaban sa mga Armoles ang tanging alaalang nasa laman ng kanyang memorya. Si Dino ay naging bayani nang matalo  niya ang lahi ng mga Armoles at itinanghal bilang hari ng Amangpaparu at si Shina ang kanyang reyna. 

First published as a class requirement
in MPs10 of Prof. Luna Cleto
2nd Semster, 2009-2010 UP Diliman

No comments:

Post a Comment