Wednesday, August 11, 2010

Walang Kasarian sa Pag-ibig (Chapter 1)

PAGHAHANDA. Kinakabahan pero masaya pa rin ako. Ito na nga pala ang aking huling prom ngayong high school o baka huling prom ng buhay estudyante ko. Masayang balikan ang mga ala-ala ng prom noong nakaraang taon, palibhasa mga juniors lang kami noon kaya bantay-sarado pa ng mga magulang, kaya naman nahihiya ang ilan na sumayaw. Isa na dito ay ang aking matalik na kaibigan na si Anna. Halos buong gabi kaming magkatabi sa upuan noon dahil halos walang magsayaw sa kanya. Kahit na may mga nagyaya sa aking sumayaw, hindi ako pumayag dahil mas ninais ko pang tabihan si Anna kaysa sa makipagsayawan sa iba.
Napasarap ata ako ng pagsasariwa ng aming nakaraan at halos lumagpas na ako sa kalye kung saan naroon ang bahay nila Anna. Mabuti na lamang at hindi nagsasawa sa akin si Tita sa halos araw-araw kong pagpunta dito sa kanilang masayang tahanan, maliit man ito at medyo malayo sa nayon, ramdam ko ang init ng pagmamahalan na nakapalibot dito. Sulit ang paglalakad ng ilang metro dahil pagpasok ko pa lamang ng kanilang bahay ay si Anna agad ang bumungad sa aking paningin. Kagaya ng aking inasahan, nabigla si Anna at pati si Tita Fely sa aking isinuot para sa prom night. “Ano ba yan Tere, parang macho-gwapita ang hitsura natin ngayong gabi, ah,“ ang pangloloko ni Tita Fely sa akin. Agad ko namang idinipensang ito ang nauuso ngayong panahon ng prom para sa mga babaeng long legged. Natawa na lamang siya.
Medyo kakaiba nga ang aking isinuot na damit ngayong prom kumpara noong nakaraang taon. Halos mahulog ang mata ng mga kalalakihan sa ganda ng aking gown noon pero ngayon, magugulat na lamang sila sa aking damit. Para sa aking huling prom, may nais akong ibahing ideya lalo na para sa mga kababaihang hindi naman talaga gusto mag-gown sa gabi ng kanilang prom. 
Ang suot kong spaghetti ay ang kaparehas na damit ng aking cocktail dress noong aking kaarawan, samantala ang aking mahigpit na slacks ay hiniram ko sa aking pinsang nagtatrabaho sa isang call center agency. Ang aking malapad na sinturon ay hiniram ko din sa isa ko pang pinsang mahilig sa mga abubot.  Ang  patusok ko namang sapatos ay isa sa mga uniporme kong pamasok. Ang aking buhok naman ay aking pinaiklian at sa ngayon ay para na akong isa sa mga Pep Squad ng U.P. at mala-Aeon Flux pa.
Hindi pa nakaayos si Anna ng kanyang make-up kaya naman nag-boluntaryo na akong lagyan siya nito. Dati pa rin ang hitsura ni Anna, singkit ang mga mata, matangos ang ilong, at mapula ang labi na kahit hindi mo na lagyan ng lipistik ay mala-mansanas pa rin ang kulay. Nakapikit na si Anna para lagyan ko siya ng eye shadows pero hindi pa rin ako makagalaw mula sa kinatatayuan ko, si Anna ay tila isang Diyosa na nahulog mula sa langit. Lumapit ako sa kanya at habang papalapit ako ay nararamdaman ko ang bawat tibok ng kanyang puso, sana ay nararamdaman din niya ang bawat pintig ng aking puso na matagal ng tumitibok para sa kanya. “Ayos na ba besty?” ang tanong ni Anna na nang-gulat sa akin. Hindi ko namalayang malapit na pala ang aking mukha sa kanya, mabuti na lamang at hindi niya iyon nakita.
Mas lalong nadagdagan pa ang ganda ni Anna nang siya ay malagyan ng make-up. Sinabi kong siya na ang siguradong mananalo dahil sa ubod siya ng ganda. “Hay naku bespren, tigilan mo na ‘yang pagbibiro mo at baka maniwala ako,” ang sagot niya habang kinukuha ang ilan niyang gamit sa aparador. Nilapitan ko siya. “Anna, may sasabihin ako…” Hindi pa ako natatapos ay agad dumating si Tita Fely kaya naman hindi ko na nabulaslas ang nais kong sabihin. “Oh, girls, halina kayo at kukuhanan ko kayo ng picture para souvenir ninyong dalawa,” ang sabi ni tita. Agad naman kaming nag-pose para sa larawang kukunin ni tita. Ako naman ang kumuha ng kanilang litrato. “Oh, Tere, ano ‘yung sasabihin mo pala?” ang sabi ni Anna. “Ah, yun ba, sasabihin ko sana na mauna na tayo at baka ma-late pa ang Prom Queen,” agad kong sagot sa katanungan niya. Kamuntik na akong hindi nakalusot sa tanong na ‘yun. 

No comments:

Post a Comment