Wednesday, December 1, 2010

Mga Katanungan

Hindi na ako umaasa na matanggap pa, ngunit ako ay nananalanging maging bahagi ng mga iskolar na maipadadala ng Pilipinas upang makapag-aral sa Estados Unidos. Kung may sapat lamang  na pondo ang gobyerno na nakalaan para sa dekalidad na edukasyon dito sa Pilipinas, hindi ko na nanaising makasagap pa ng state-side na kalidad ng edukasyon. Dito na lamang siguro ako aasa, na sana hindi na bawasan pa ang badyet ng mga State Universities and Colleges dito sa ating bansa lalo na sa aking pamantasan, ang UP.


Bakit Aldrin, hindi ka naman dating ganyan,ah. 
Go na go ka lagi di ba? 
Bakit Aldrin?

Hindi ko maiwasang sisihin ang aking sarili kung bakit ganoon na lamang ang kinalabasan ng aking panayam sa mga miyembro ng panel. Napakasaklap na balikan ang aking mga pagkakamali. Pagdating ko pa lamang ay mali na. Ayon sa aking confirmation call, alas-kwatro ng hapon ang aking intervyu ngunit pagdating na pagdating ko roon ay ako na agad ang isinalang. 3:15 daw ang aking iskedyul. Mabuti na lamang at ako ay mas maagang dumating sa kaing orihinal na iskedyul, ngunit sadyang huli pa rin para sa aking "bagong iskedyul." Dagdag pang puna sa akin ng ginang na tumawag sa akin, "You just came in?" Dahil dito, ipinukol ko sa panelistang nagsabi na ako na ang sasalang, na ang naka-iskedyul sa akin base sa tawag na aking natanggap noong nakaraang linggo ay alas-kwatro pa. Ngunit, nagbago ang impresyon ng kanyang mukha at marahil ay nairita sa aking sagot. Bawas na punto na naman yun. Dapat pala ay hindi na ako umangal. 


Bakit ni simple at pundamental na katanungan 
ay hindi mo pa nasagot? 
Katangahan lamang ba iyan Aldrin o sadyang
walang kabuluhang 
pagbabasa ang iyong ginawa?
Bakit Aldrin?

Sana naayos ko nang mabuti ang aking mga sagot. Sana nakapagsaliksik ako ng mabuti tungkol sa Global UGRAD at hindi ko na lamang sana ipinukol ang aking atensyon sa Fulbright. Unang katanungan ng ginang na nasa gitna ng mga panelists ay kung ano raw ba ang aking nalalaman tungkol sa Global UGRAD. Ang aking sagot ay tungkol sa Fulbright Scholarship at hindi sa Global UGRAD. Akin pang ipinagmalaki ang mga bagay na aking nahagilap hinggil sa Fulbright. Ngunit, maling impormasyon na pala ang aking isinagot. Ang sabi ng ginang na nagtanong, "You might want to search again on Global UGRAD. It is not a Fulbright program." Ako na lamang ay nagpasalamt upang itago ang aking hiya sa katangahang namutawi sa aking personalidad at pagmumukha.


Bakit mo pa pinipilit magpakasaya Aldrin?
Walang-wala ka na. 
Bakit Aldrin?

Hindi ako nawalan ng pag-asa noong ako ay nasa loob pa lamang ng silid kung saan idinaos ang aking pakikipanayam sa tatlong mga panelista. Tuluyan pa rin ang aking pagbibigay ng mga kasagutang alam kong magpapako sa aking pangarap na makapag-aral sa ibang bansa kung saan makakakuha ako ng mas malawak na kaalaman sa kursong nais kong pagdalubhasaan. Sadyang naging napakasaklap ang araw na ito para sa akin at laging naiisip na walang-wala na ako lalo na ngayon at masyado akong dumikit sa pangarap kong maging iskolar sa dayuhang lupain, ngunit nagpapasalamat pa rin ako sa Poong Maykapal sa mga biyayang Kanyang ibinigay sa aming pamilya- gumaling na ang aking ina at nakapasok naman na sa Mason ang aking ama. Sapat na yun para sa akin. Sapat na ang kanilang pagmamahal at suporta sa akin.


Bakit hanggang porma ka lang Aldrin, pero kung 
isasalang ka na, wala ka rin palang ibubuga.
Bakit Aldrin?

Masyado lang ako sigurong mapangarap at ninanais ko pang makapag-aral sa ibang lupain. masyado siguro akong naging kampante sa aking taglay na galing na sa huli ay nagiging bula. Masyado lang siguro akong nag-aksaya ng oras kakaayos sa aking sarili, sa paghahanda ng aking damit at maging sa iba pang abubot. May mga pagkakataong ako na mismo ang kumokwestyun sa aking kakayahan. Ngunit, bakit nga ba sadyang napakahirap tanggapin ang pagkatalo. Siguro dahil nasanay akong makuha ang lahat ng aking kagustuhan noong bata pa ako, o di naman kaya ay hinulma na ng lipunan ang aking pag-iisip ukol sa mga bagay-bagay na nais at kagustuhan ko.


SIGURO ay wala na talaga akong pagkakataon pang matanggap sa scholarship na halos dalawang buwan ko ring pinaghirapan upang makapag-aral sa Estados Unidos, ngunit mas marami pang biyaya ang aking matatanggap kung ako ay mamalagi dito sa Pilipinas upang dito mas makapagdalubhasa at makapagbahagi pa ng aking kaalaman para sa mga kapwa ko Pilipino. 

No comments:

Post a Comment