Wednesday, March 2, 2011

Orgasm of a dream

Marahil marami tayong pangarap sa buhay. Ang ilan ay gusto sigurong mangibang-bayan upang doon suungin ang mga hamon ng buhay, samatala ang iba ay nanaising manatili sa bayang tinubuan para dito ipagpatuloy ang laban ng buhay.

Nais kong maging matagumpay at dalubhasang Filipino sa maraming larangan. Alam kong hindi pa ganoon kalinaw kung saang direksyon ako magpapatuloy matapos ang kolehiyo. Kung magbukas man ang opurtunidad na makapag-aral muli, akin iyong tatanggapin. Samatalang kung iba man ang plano para sa akin ng tadhana, akin din iyong kukunin ng buong-buo. Dahil sa kaguluhan ng pag-iisip ko kung ano nga ba talaga ang ninanais ko pagkatapos grumadweyt, marami na rin akong naisakripisyong mga sana'y opurtunidad na noon ay hindi ko man lang nabigyan ng halaga. Mga taong nagmahal, nagpapamahal, at minahal. Mga bagay na inangkin, ibinigay, at itinabi.

Alam kong walang patutunguhan ang blog entry na ito. Nais ko lamang magpahayag ng mga bagay-bagay na nasa aking isipan matapos makapag-basa ng mga teoryang talaga namang tumagos sa aking pagkatao. Ito'y mga teoryang may kinalaman sa nais kong marating isang taon mula ngayon. Ngunit, kinakailangan ko nga bang magpa-apekto?

Kagabi bago matulog, ako ay napadala ng mga mensahe sa mga iilang mga tao sa aking contect list sa cellphone ko. Ang laman ng text ko ay:
Pangarap kong maging isang magaling at dalubhasang Filipino. Tara, matulog na tayo at magising sa bukas na maaliwalas.

Tapos biglang nag-reply si Ate Carmela, ang aking kaklase at kaibigan na nagdadadalubhasa sa teorya ni Michel Foucalt na gagamitin niya sa proposal niya pang-tisis.
Hindi ko na makakamtan ang pangarap na iyan sapagkat nag-iisip at nagsusuri ako sa Ingles. Naka-kahon na ako sa Ingles. Filipino will always sound beautiful. Hanggang pakikinig na lang ako.
Bigla akong natahimik pagkabasa ang kanyang mensahe. Hindi ko na kakayanin pang patayin ang init at nagbabagang pangarap na mayroon ako, malabo man yan o malinaw. Hindi ko lubos maisip na ang isang kaibigang magaling mag-isip ay tila naging isang saging sa champorado.

Marahil, makitid pa rin ang aking perspektibo at pananaw sa mundong aking ginagalawan. O siguro ay naka-kahon na rin ako sa mga teoryang inakala kong magpapalaya sa akin? Hanggang dito na lang siguro ako sa ngayon. Haharapapin pa ang mga hamon ng pagiging iskolar.

Sandali. Matanong kita. Anong pangarap mo?

 

1 comment:

  1. Sure enough UP changed much of our goals and priorities in life. At patuloy parin nagbabago mga pangarap ko hanggang ngayon.

    ReplyDelete