IBA-IBANG HAMON AT MGA MAGAGAWA NG KABATAAN SA GITNA NG PANDEMYA*
Sa kabila ng ating mga pinagdaraanan ngayon, magandang araw pa rin po sa ating lahat at sana ay maayos ang inyong kalagayan ngayon.
Maligayang pagdiriwang ng pandaigdigang araw ng kabataan.
Sa tala ng Kagawaran ng Kalusugan kahapon, pumalo na sa abot isandaan at apatnapong libo ang kabuaang kumpirmadong kaso sa Pilipinas…
Dito sa atin sa Pangasinan, ayon sa Pangasinan Provincial Health Office kahapon, mayroon nang naitalang dalawandaan at walumpong kumpirmadong kaso ng COVID, kung saan limampo dito ang aktibong kaso.
Ayon sa ASEAN post kahapon, ang Pilipinas na ang nangunguna sa pinakamaraming kumpirmadong kaso at pinakamaraming aktibong kaso ng COVID-19 sa Timog SIlangang Asya.
Magpipitong buwan na nang ipatupad yung quarantine measures sa bansa.
Marami ang apektado nito- mga buhay at kabuhayan.
Ang ating mga malilit na negosytante na napipilitang magsara dahil sa natamong lugi.
Ang ating mga kaanak na nawawalan ng trabaho.
Ang ating mga kapwa kabataang napipilitang huminto sa pag-aaral dahil sa kawalan ng pambili ng gadget.
Ang ating mga kapwa kabataang biktima ng pang-abuso o rape sa loob mismo ng kanilang tahanan.
Ang ating mga kapwa kabataang napipilitang pumasok sa iligal na trabaho o pagbebenta ng mga malalaswang larawan para lamang maitawid ang gutom.
Ang ating mga magulang na hindi mapanatag sa kasiguraduhan ng kalidad ng edukasyon na makukuha ng mga estudyante ngayong pasukan.
Hindi malayo ang kanilang sitwasyon sa sitwasyon natin. O baka mayroon tayong kakilala na isa sa mga nabanggit kong sitwasyon.
Sa kabila ng mga hamon na ito, marami ang nagpakita ng determinasyon para makatulong sa kanilang kapwa sa gitna ng pandemya.
Malaking porsyento ng mga nagpasimula ng proyektong pantulong sa ating mga kapwa Pilipino ay mga kabataan.
Maraming mga opisyal ng SK ang nanguna sa pagbibigay tulong sa ating mga kapwa kabataan.
Sa ating kinakaharap na hamon sa kalusugan at kabuhayan dulot ng pandemya,huwag nating maliitin ang magagawa ng kabataan.
Ngayong taon, hinihimok ng United Nations ang lahat ng kabataan na maging bahagi, makilahok sa global action. Ayon sa inilabas na pahayag ng UN, nais nito na paganahin o i-enable ang pakikilahok ng mga kabataan sa pormal na mekanismong politikal.
Paliwanag nila, kung mas maraming kabataan sa politika, mas marami ang maiaambag na mga bago at sustainable na mga pulisiya. Sabi pa ng UN, maibabalik daw ng mga kabataan ang tiwala sa pamahalaan at pamamahala ng gobyerno.
Sisimulan natin sa local o community, saka tayo hahantong sa national o pambansa, at panghuli yung global o pandaigdigang aksyon.
Pero marami siguro sa inyo magtatanong kung paano natin magagawa yun. Iyon ang dahilan kung para saan ang webinar na ito, para maihanda tayo.
Kailangan nating maging mas malikhain para magbigay ng serbisyo sa ating bayan.
Gamitin natin ang ating social media sa pagbibigay ng makabuluhan, tama, at napapanahong impormasyon o balita sa ating kapwa kabataan.
Makibahagi tayo sa usapan, nang may respeto sa bawat isa.
Magdasal tayo sa Diyos. Para sa isa’t isa, para sa ating mga frontliners, para sa bayan.
Sa panahon kung kailan nakakawala ng pag-asa dulot ng isang iba-ibang pagsubok at pinakamalking hamon nga dito ay ang COVID-19, nawa ay mapaalab pa natin ang damdamin para mas maglingkod para sa ating kapwa kabataan at para sa ating bayan.
Bago ako magtapos, binabati ko ang mga organizers sa matagumpay na inisyatibo mula sa mga kabataan, para sa mga kabataan, at para sa bayan.
-------
*Bahagi ng talumpati ni Konsehal Aldrin Soriano sa Kalangweran Webinar Series 2020** na ginanap sa pamamagitan ng Zoom, 12 Agosto 2020.